Kaninang kumuha ako ng meryenda sa kusina (meryenda na naman?), pinapanood ng kasambahay namin yung isang pelikula ni Sharon Cuneta at ang leading man niya dun eh si Ariel Rivera. Hindi ko alam kung anong title nun pero ang napanood kong scene eh yung ikakasal na yata sila. Biglang tinanong ako ng kasambay namin (si Ate Mary) kung kelan daw ako ikakasal. Muntik ng lumabas yung spanish bread sa ilong ko sa gulat.
Unang-una, hindi ko muna gustong ikasal sa kadahilanang (naks lalim) inosente at mura pa ang isipan ko. Pangalawa, nagsisinungaling ako tungkol sa una. Teka, teka, seryoso muna. Unang-una, takot ako. Pangalawa, hindi ako ready.
Takot ako dahil andami kong kakilalang nag-fail ang marriages nila. Ayaw kong mangyari yun. Oo, face your fears pero, pag kasal ang pag-uusapan, parang ang hirap para sa akin. Takot din ako kasi andami kong kakilalang either NAloko ng asawa nila o NANloko ng asawa. Wala akong pinapatamaan dito okay. Basta yun lang ang dahilan ko.
Mahirap nga namang ikasal. Biruin mo, makakasama mo siya habang buhay! Pag tulog mo sa gabi, siya huli mo makikita… Pag gising mo, siya una mo makikita. Lagi mo na siyang maaamoy. At since nasa isang bahay na kayo, maririnig at maaamoy mo na ang utot niya na dati hindi niya ginagawa nung magsyota pa kayo. Malalaman mo din kung maingay siyang tumae (kung may tumutunog na PLOK! kung nasa banyo siya) At saka kung kelan niya trip mangulangot o ano pa… Marami kang malalaman sa kanya dahil ngayon, magsasama na kayo.
Pero, andami rin namang mag-asawa na talagang till death do us part ang naging kwento ng buhay nila. Sana kung ako man ang mag-asawa ganito rin. Hindi ako marriage counselor o ano, pero ang tingin kong pinaka-importante pag kasal na ang tao eh yung pag turing sa isa na parang best friend at dapat walang matutulog kung may away. Dapat ayusin muna.
Siguro, tama lang na sabihin ko ngayon sa inyo na saka na lang ako magpapakasal. Hindi pa talaga ako handa. Kayo handa na?